Libreng sakay, ikinasa ng LTFRB
MANILA, Philippines - May nakahandang mga bus ang Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) para libreng maisakay ang mga ma-iistranded na pasahero kaugnay ng isasagawa ngayong araw na ito na tigil-pasada ng ilang transport groups.
Kaugnay nito, hiniling ni LTFRB Chairman Alberto Suansing sa mga driver at operator ng mga pampasaherong sasakyan na kasama sa transport holiday na gawing mapayapa ang kanilang pagkilos.
Binalaan din nito ang mga ito sa pangunguna ni Efren de Luna, national President ng Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) na hindi niya hahayaan na maging marahas ang ibang driver na hindi sasama sa naturang strike.
“Karapatan nila yan na maghayag sila kung anuman ang kanilang karaingan laban sa pinatutupad na provision ng Land Transportation Office at LTFRB. Pero huwag silang gagawa ng gulo o haharang ng ibang naghahanapbuhay,” pahayag pa ni Suansing.
Ngayong Biyernes, ganap na alas- 5 ng umaga ay itinakda ng ACTO ang kanilang tigil pasada upang ipakita ang kanilang pagkondena sa sobrang taas ng mga singil sa bayarin sa mga traffic violators. Bukod anya sa mga nakaantabay na bus na magsisilbi sa mga mai-stranded na pasahero ay katulong din ng mga ito ang mga jeep na hindi naman kasama sa tigil pasada.
Samantala, nagbabala ang National Council for Commuters Protection (NCCP) na magsasampa sila ng kaukulang kaso laban sa mga drivers at operators na nagsagawa ngayon ng tigil-pasada.
Ayon kay Vicente Millora, chairman ng NCCP, isang malinaw na paglabag sa itinatadhana ng kanilang prangkisa ang isinagawang transport strike na labis na nakaaapekto sa mga regular na pasahero lalo pa at natataon na araw ng may mga pasok sa trabaho at eskwela.
Bunga nito, mariing kinondena ni Millora ang naturang transport group na aniya kung bakit ang mga commuters ang dapat mag-sakripisyo kung ang dahilan naman ng kanilang hinaing ay ang nabanggit na panibagong ordinansa sa batas-trapiko. (Angie dela Cruz at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending