Carjackers sumalakay uli sa Quezon City

MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nabiktima ng hinihinalang carjacker matapos na tangayin ang kanyang mama­haling sasakyan ng dalawang armadong kalalakihan sa lungsod ng Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Ang biktima na dumulog sa tanggapan ng Quezon City Police District Anti-Carnapping Unti ay kinilalang si Jimmy Suelo, 43, may-ari ng isang security agency sa nasabing lungsod.

Ayon sa ulat, nangyari ang insidente sa may Min­danao Avenue, Project 6, makaraang iparada ni Suelo ang kanyang Mitsubishi Montero (ZAE-123) sa nasabing lugar ganap na alas-3 ng hapon para bumili ng sigarilyo.

Pagbalik ng biktima sa kanyang sasakyan ay biglang nilapitan ito ng mga suspek sabay tinutukan ng baril saka sapilitang kinuha ang susi ng kanyang sasakyan, bago tuluyang tinangay ito.

Samantala, bukod sa sasakyan ay natangay din ang laptop, limang cellphones, lisensyadong baril, bala at magazines at P15 cash ng biktima. (Ricky Tulipat)

Show comments