Taas pasahe igigiit ng PISTON
MANILA, Philippines - Mapipilitan ang Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na humingi ng fare hike sa sandaling umalagwa pa sa mga susunod na araw ang presyo ng diesel.
Ayon kay George San Mateo, Secretary General ng PISTON, umabot na sa P2.80 kada litro ang itinaas ng diesel at P3.50 naman sa gasolina sa loob lamang ng 11 araw sa apat na beses na pagtataas na isinagawa ng mga oil com panies.
Sanhi nito, tiniyak din ni San Mateo na hindi sila makakapayag sa anumang kahilingan na magkaroon ng panibagong roll back sa presyo ng pasahe na nauna nang hinihilot na maibaba sa P6.
Pag-aaralan umano ng kanilang hanay kung magkano ang hihilingin nilang fare hike sa sandaling hindi magpaawat ang mga oil companies sa pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo.
Muling inakusahan ni San Mateo ang “Big 3”,na sinasamantala ang oil deregulation law para siritin ang presyo ng langis kahit pa mababa ang presyo nito sa world market.
Iginiit din ni San Mateo na nakikipagsabwatan ang gobyerno sa Big 3 sa layuning maitaas muli ang E-VAT nito sa langis sa kabila ng lalong paghirap ng buhay ng mga tsuper at mamamayan sanhi ng global financial crisis. (Doris Franche at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending