Mga sanggol na iniiwan sa ospital, dumarami
MANILA, Philippines - Naalarma ang pamunuan ng City Social welfare and Development sa lumalalang kaso ng mga sanggol na iniiwan ng kanilang mga ina matapos isilang sa mga ospital sa lungsod Quezon.
Ayon kay Katherine Rose Sotimayor, social welfare na sa kasalukuyan tumataas umano ang bilang ng mga ina na nanganganak sa mga ospital partikular sa East Avenue Medical Center (EAMC) at pagkatapos ay basta na lamang inaabandona ang kanilang mga isinilang na sanggol.
Sinabi ni Sotimayor, partikular dito ang mga kababaihang nasa gulang na 18 hanggang 20-anyos na basta na lamang umanong magtutungo sa ospital para manganak ng walang kasama.
Pangunahing tinitingnan din ni Sotimayor na problema kung bakit iniiwan ng kanilang ina ang sanggol ay kawalan ng perang panustos sa ospital at unwanted pregnancy.
“Kasi karamihan daw sa nagpupuntang manganganak lalo na yung mga nag-iiwan ng kanilang sanggol ay mga walang kasamang asawa o kaanak, kaya nakapagtataka naman gayong ang dapat sana na pumipirma sa admitting section ng ospital ay mga ama o asawa.”
Sa talaan ng CSWD, may 4 na sanggol sa loob lamang ng ilang buwan mula Oktubre 2008 hanggang Pebrero 2009 ang inabandona ng kanilang ina sa EAMC, na ayon kay Sotimayor ay lubha nang nakakaalarma kung hindi kaagad bibigyan ng atensyon.
Ayon sa ulat, ang huling biktima ng abandonment ay isang sanggol na babae na pinangalanang BB girl Guevarra na isinilang ng kanyang inang nagpakilala sa pangalang Liezle Guevarra ng Gulod St., San Pedro, noong Pebrero 28, 2009 sa nasabing ospital.Matapos ang pagsilang ay agad na umalis ang nasabing ina at hindi na muli pang bumalik sa nasabing ospital para kunin ang kanyang sanggol. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending