Balitaktakan sa isyu ng oil depot, umiinit

MANILA, Philippines - Malaki ang paniniwala ni Manila 3rd District Councilor Atty. Joel Chua na ang pag-veto lamang ni Manila Mayor Alfredo Lim sa desisyon ng Korte Suprema ang tanging pa­raan upang tuluyan nang mapaalis ang tatlong higante ng langis sa Pandacan, Maynila.

 Ayon kay Chua, nasa kamay ni Lim kung dapat o hindi dapat na mapaalis sa Pan­dacan oil depot ang Shell, Chevron(Caltex) at Petron na matagal nang inutos ng SC na alisin bunsod na rin ng pa­nganib na dulot nito matapos na maaprubahan ang Ordi­nance Nos. 8027 at 8119.

Sinabi ni Chua na mas dapat na binibigyan ng timbang ni Lim ang mabuting idudulot ng pagpapalayas sa Big 3 sa mga Manilenyo sa halip na epekto nito sa nakararami. Aniya, ma­dalas sabihin ng alkalde ang “ The Law Applies to All; Other­wise None At All” kung kaya’t na­niniwala siya na mas papani­gan nito ang desisyon ng SC.

Tutol din si Chua sa draft ordinance ni 1st District Coun­cilor Arlene Koa na lumusot sa ika­lawang pagdinig ng City Councilor, dahil ang mga in­ dus­triyang planong itayo sa ilang distrito sa Maynila ay pawang mga mapa­nganib at nakama­matay.

Iginiit ni Chua na maaari namang gawing commercial ang mga lugar tulad ng Pan­dacan kung trabaho lamang ang layunin ng ordinansa ni Koa. Aniya, sakaling maalis ang Big 3, maaari itong tayuan ng department store at iba pang establisimyento na makakapag­bigay ng trabaho sa mga Ma­nilenyo. Sinabi naman ni Lim na hindi pa siya makakapagpasiya dahil wala pa siyang natatang­gap na report tungkol dito at ang konseho ng Maynila ay hiwalay sa kapangyarihan ng alkalde. Aniya, independent ang kon­seho kung kaya’t hindi niya ito maaaring pakialaman.

Samantala, hinamon naman ni Manila Vice Mayor Isko Mo­reno si Environmental Secretary Lito Atienza na bawiin ang inisyu nitong Environmental Compliance Certificate (ECC) upang magpatuloy sa operas­yon ang tatlong higante ng kom­panya ng langis sa Pan­dacan, Maynila.

Ayon kay Moreno, na siyang presiding officer ng city council na hindi ‘rubber stamp’ ng Mayor’s office at maging ni Mayor Alfredo Lim dahil hiwalay ang kanilang   kapangyarihan kung saan sila ay nagsisilbi ng legislative functions.      

Ang hamon ni Moreno ay bunsod na rin ng “insinuations” ni Atienza na si Lim ang nasa likod ng pagpasa ng ordi­nansa na “Creating a medium in­dustrial zone and heavy in­dustrial zone” na inakda naman ni   Councilor   Koa.

Aniya, matagal na umanong napaalis ang Pandacan oil depot kung hindi lamang naki­alam si Atienza para sa pag­papatuloy ng pananatili at operasyon nito.

Sa katunayan umano, kon­sehal pa lamang siya at alkalde noon ng Maynila si Atienza nang maipasa ang ordinance 8027 na naglalayong agad na paalisin ang oil depots sa loob ng anim na buwan. Subalit dahil na rin sa memorandum of un­der­standing (MOU)na ginawa ni Atienza at ng Department of Energy noong Hunyo 2002, napayagan pang manatili ang oil depot ng dagdag na anim na buwan. (Doris Franche)

Show comments