MANILA, Philippines - May P5 milyon halaga ng iba’t ibang mamahaling alahas ang nalimas ng tatlong hindi pa kilalang armadong kalalakihan nang holdapin ng mga ito ang mag-asawang trader kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Sa report ng QCPD-CIDU sinabi ng biktimang si Renato Rubio na habang minamaneho niya ang kanyang Mitsubishi Adventure (CRY-591) kasama ang asawang si Modesta Rubio, 65, ng Malhakan, Meycauyan, Bulacan nang harangin sila ng tatlong suspect sakay sa dalawang motorsiklo sa may kanto ng A. Bonifacio at C-3 Road Brgy. Manresa, Quezon City bandang alas-7:30 kamakalawa ng gabi. Nagkunwari umanong traffic enforcer ang mga suspek nang parahin sa naturang lugar ang kanilang sasakyan at saka pilit umanong kinukuha ng mga suspek ang lisensiya ni Rubio ngunit hindi nito ibinigay dahil hindi naman umano naka- uniporme ng enforcer o ng pulis ang mga ito.
Nang hindi ibigay ni Rubio ang kanyang lisensiya ay agad itong tinutukan ng baril at pilit na kinuha ang bag na dala ng ginang na naglalaman ng humigit-kumulang sa P5 milyong assorted jewelries. Sa takot ng mag-asawa na baka sila ay barilin at patayin ng mga suspek ay agad nilang ibinigay ang nasabing bag.
Agad na tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo patungo sa hindi mabatid na direksiyon tangay ang nasabing bag. Nabatid na ang mag -asawang Rubio ang may-ari umano ng Floro Jewelry shop and store sa kanilang lugar. Gayunman, ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)