MANILA, Philippines - Nahulog sa kamay ng awtoridad ang 32-anyos na lalaki matapos na tangkain nitong kikilan ang dalawang nursing student kapalit ng pangakong magagawan niya ng paraang maipasa ng mga huli ang bagsak nilang subjects, kamakalawa ng hapon sa Las Piñas City.
Nasa aktong tinatanggap na ni Edmon Calitas, ng Dalandan St., San Isidro Subdivision, Las Piñas ang P9,000 na markadong salapi sa mga biktimang sina Mark Erick Aquino, 22 at Maridie Concepcion, 20 nang dakmain ang una ng mga awtoridad sa isang Fast food restaurant sa Pamplona 3, Zapote-Alabang Road, dakong ala-1:30 ng hapon.
Bago ito unang natuklasan ni Aquino na bagsak siya sa dalawang subjects sa University of Perpetual Help - Las Piñas kung kaya’t sa pangambang hindi siya mapasama sa mga magtatapos ay humanap siya ng paraan hanggang sa makilala niya si Calitas noong March 12 ng taong kasalukuyan.
Unang nakipagkita si Calitas kay Aquino noong March 20 at ipinagmalaki umano ng suspect na nalakad niya ang bagsak na subjet ng isang Bryan Colorado sa halagang P180,000.
Ipinakilala naman ni Aquino ang suspect kay Concepcion na may bagsak ding subject at hinimok din ang dalaga na magbayad na lamang upang mapasama rin sa mga magtatapos.
Dito hinikayat ng suspect ang dalawa na magbigay muna ng down payment na P9,000 at ang kabuuan ay ibigay na lamang sa March 27, 2009 dahil ito umano ang ibinigay na deadline ng opisyal ng unibersidad na kontak niya para mapasama sila sa mga magtatapos at mabago ang bagsak nilang grado.
Gayunman, bago makapagbigay ng naturang ha laga ang mga biktima, nagtanung-tanong muna sila sa iba pang mga estudyante sa naturang pamantasan at natuklasan na panlilinlang lamang ang lakad ni Calitas kung kaya’t nagpasiya ang dalawa na isuplong sa pulisya ang suspect dahilan upang madakip ito. (Rose Tamayo-Tesoro)