Trike driver todas sa pinsan ng live-in partner
MANILA, Philippines - Todas ang isang tricycle driver makaraang pagsasaksakin ito ng pinsan ng kanyang kalive-in na babae na kanyang inaway, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Nakilala ang nasawi na si Glen Valdez, 32, ng Abra St., Bago Bantay, ng naturang lungsod. Pinaghahanap naman ang tumakas na suspect na nakilalang si Vergel Derueda, 24, isa ring tricycle driver at residente din ng nasabing lugar.
Base sa ulat ng Quezon City Police District-Homicide Section, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.
Nabatid na bago ang pananaksak, kasalukuyang nag-aaway si Valdez at ang live-in partner nito na si Mary Jane Obarin, 38, sa hindi malamang kadahilanan.
Dumating naman sa bahay si Derueda at narinig ang pagtatalo ng dalawa. Agad naman itong umakyat sa kuwarto ng mag-live-in at ipinagtanggol ang pinsan na si Obarin.
Nauwi naman ang pakikialam ni Derueda sa mainitang pagtatalo sa pagitan ni Valdez hanggang sa magbunot ng patalim ang una at ilang ulit na pinagsasaksak sa katawan ang biktima.
Hindi pa umano nakuntento ang suspect kung saan hinabol pa nito at muling pinagsasaksak ang biktima nang makatakbo at magtangkang tumakas ito. Mabilis namang tumakas ang suspek makaraan ang kanyang pananaksak. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending