Bureau of Immigration nakatutok sa mga dayuhang sangkot sa organ transplant scam
MANILA, Philippines - Masusing binabantayan ng Bureau of Immigration (BI) ang mga dayuhan na pinagdududahang sangkot sa organ transplant syndicate kasunod ng pagkakatuklas ng aktibidad ng isang Amerikano na nahuli sa Pilipinas at kinasuhan ng wire fraud sa United States sa panloloko sa kanyang mga kababayan na nangangailangan ng organ transplant.
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, naalarma sila sa kaso ni Jerome Howard Feldman, 67, na humarap noong March 19 sa U.S. District Court sa Guam sa kasong wire fraud kaugnay ng kanyang online organ transplant scam na nakabimbin sa Northern District Court of New York.
Napag-alaman ng BI na si Feldman ay kinasuhan ng federal grand jury sa Syracuse, New York noong Feb. 11, 2009 sa pagsasagawa niya ng modus upang lokohin ang mga kababayan na nagbayad ng malaking halaga at nagtungo sa Pilipinas sa pangakong tatanggap sila ng organ transplants.
Nagpanggap si Feldman bilang si “Michael Adams,” “Dr. Mitch Michaelson,” at “Alberto Gomez,” sa kanyang online transplant scam. Batay sa imbestigasyon ng DeWitt, N.Y., Police Department, nagsimula ang aktibidad ni Feldman noong June 2008 nang magsilbi siyang tulay upang mabigyan ng liver transplant ang isang babae sa pamamagitan ng kanyang “www.liver4you.org.”
Nakipag-usap umano ang babae sa pamamagitan ng e-mail sa isang “Dr. Mitch Michaelson,” na kinumbinse ang kanyang asawa na magtungo sa Pilipinas upang tumang gap ng liver transplant. Ayon sa awtoridad, naloko ng suspect ang iba pang biktima at nakakolekta ng kabuuang US$ 400,000 sa pamamagitan ng wire transfer.
Nakasaad sa salaysay ng mga biktima, nagpakilala si Feldman bilang si “Dr. Michaelson” at nangako na sasa gutin niya ang lahat ng medical bills para sa transplant procedure na isasagawa ng isang doctor sa Pilipinas.
Ngunit sinabi ng isa sa mga biktima sa NY police na namatay ang kanyang asawa sa liver failure sa isang ospital sa Pilipinas nang hindi tumatanggap ng bagong atay. Noong Feb. 3, nahuli ng BI at National Bureau of Investigation (NBI) si Feldman habang nagpapagamot sa Makati Medical Center.
Ayon sa US Embassy officials sa Maynila, nakalagay na si Feldman sa most wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) mula pa noong 1999 dahil sa kabi-kabilang reklamo sa kanyang transplant scam. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending