Motorsiklo vs trak: Doktora patay, mister sugatan

MANILA, Philippines - Patay ang isang doktora habang sugatan naman ang kan­yang asawa nang araruhin ng rumaragasang trak ang sina­sakyan nilang motorsiklo sa Que­zon City, kahapon ng umaga.

Nakilala ang biktimang si Dra. Hilda Silvestre, 47, pedia­tri­cian at nakatira sa #60 As­sistant St., GSIS Village, Sa­ngandan, Quezon City na bina­wian ng buhay matapos isugod sa Quezon City General Hos­pital dahil sa tinamong matin­ding pagkasalanta ng katawan nito.

Samantala, nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang asawa na si Alexander Silvestre, 49.

Base sa report ni Sr. Insp. Robert Diaz, hepe ng Traffic Sector 6 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang sakuna sa Tandang Sora Ave, Quezon City.

Nabatid na tinatahak ng Honda Wave na kinalululanan ng mag-asawang Silvestre ang kahabaan ng Mindanao Ave. patungo sa direksiyon ng Qui­rino Highway at pagsapit sa Tandang Sora Ave. sa kanto ng General St. ay bigla na lamang sumulpot ang Fuso truck (REZ-629)na minamaneho ni Dinio Caling ng Sta. Cruz, Pampanga at sinalpok ang mga una.

Sa lakas ng pagkakasalpok ng trak sa motorsiklo ay buma­libag at nawasak ito na ikina­matay ni Hilda habang pinalad naman na nasugatan lamang ang asawang si Alex.

Makaraan ang sakuna ay kusang sumuko ang driver ng truck na si Caling at ito ay naka­piit na ngayon sa QC Traffic sector 6. (Angie dela Cruz)

Show comments