Motorsiklo vs trak: Doktora patay, mister sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang doktora habang sugatan naman ang kanyang asawa nang araruhin ng rumaragasang trak ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktimang si Dra. Hilda Silvestre, 47, pediatrician at nakatira sa #60 Assistant St., GSIS Village, Sangandan, Quezon City na binawian ng buhay matapos isugod sa Quezon City General Hospital dahil sa tinamong matinding pagkasalanta ng katawan nito.
Samantala, nakaligtas sa tiyak na kamatayan ang asawa na si Alexander Silvestre, 49.
Base sa report ni Sr. Insp. Robert Diaz, hepe ng Traffic Sector 6 ng Quezon City District Traffic Enforcement Unit (QCDTEU), dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang sakuna sa Tandang Sora Ave, Quezon City.
Nabatid na tinatahak ng Honda Wave na kinalululanan ng mag-asawang Silvestre ang kahabaan ng Mindanao Ave. patungo sa direksiyon ng Quirino Highway at pagsapit sa Tandang Sora Ave. sa kanto ng General St. ay bigla na lamang sumulpot ang Fuso truck (REZ-629)na minamaneho ni Dinio Caling ng Sta. Cruz, Pampanga at sinalpok ang mga una.
Sa lakas ng pagkakasalpok ng trak sa motorsiklo ay bumalibag at nawasak ito na ikinamatay ni Hilda habang pinalad naman na nasugatan lamang ang asawang si Alex.
Makaraan ang sakuna ay kusang sumuko ang driver ng truck na si Caling at ito ay nakapiit na ngayon sa QC Traffic sector 6. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending