MANILA, Philippines - Isang construction worker ang nasawi makaraang mahulog sa loob ng isang water tank sa Villamor Airbase sa Pasay City kahapon ng umaga. Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jegar Binag, 33, stay-in laborer ng New Port Entertainment Commercial Center, Manlunas St., Villamor Airbase.
Batay sa imbestigasyon ni P03 Simon Respicio ng Station Investigation & Detective Management Section, dakong alas-7 ng umaga nang unang makita ang biktima na naglalakad sa unang palapag ng ginagawang gusali patungong basement. Makalipas ang halos isang oras ay natagpuan na lamang ng isa pang obrerong si Jordan Encarnacion, 25, ang biktima na nakahandusay at basag ang bungo sa loob ng naturang water tank ng ginagawang gusali.
Hininala ng pulisya na posibleng nadulas ang biktima at nahulog ito sa loob ng water tank. (Rose Tamayo-Tesoro)