Go Kart mapanganib?
MANILA, Philippines - Nanganganib na maipasara ang rentahan ng Go Kart sa Boom na Boom amusement center sa CCP Complex sa Pasay City matapos na lumabas sa imbestigasyon na hindi sumunod sa ilang patakaran ang pangasiwaan nito kaugnay sa kaligtasan ng kanilang mga mananakay o kustomer.
Ayon sa Pasay City Police, binubusisi nila ang nasabing Go Kart maka raang magreklamo ang biktimang si Anacleta Socoro Paredes, estudyante at residente ng naturang lunsod.
Malubhang nasugatan si Paredes matapos sumakay sa Go Kart at banggain ng isa pang kart track noong Miyerkules.
Sa kabila ng tinamong mga pinsala na dinanas ng dalaga at paghingi nito ng saklolo, nilagyan lamang siya ng gamot at mistula pa siyang pinalayas ng mga tauhan ng naturang establisimyento.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, lumitaw na nagkulang sa tulong-medikasyon sa dalaga ang pamunuan at mga tauhan ng kart track ng Carmona Circuit Amusement Center.
Bukod pa rito, nagkaroon rin ng kapabayaan ang dalawang tauhan ng kart track na dapat sanang nakatutok sa kaligtasan ng mga nagmamaneho ng mga Go Kart bukod pa sa kawalan ng seat belt sa mga pinapaupahang sasakyan, mga luma rin ang helmet at ilan pang depektong nakita partikular sa ginamit sa Go Kart. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending