Biniro si kamatayan natuluyan
MANILA, Philippines - Isang lasenggerong lolo ang natuluyang mabigti ng kanyang lubid na itinali sa leeg makaraang malasing nang todo habang nagbibiro na magpapakamatay kamakalawa ng hapon sa Sampaloc, Maynila.
Dakong alas-5 ng hapon nang matagpuan ng kanyang pamangking si Edwin ang bangkay ng biktimang si Rodolfo Abuya, 61, binata.
Sa imbestigasyon, bago umano matagpuan ang bangkay, nakita pa ng kanyang kapitbahay na kinilalang si “Rosa” na may nakataling lubid sa leeg ng biktima habang umiinom ng beer.
Pabiro pa umano nitong sinasabi na “Magpapakamatay na ako, hindi ko na kayo mababayaran.” Duda ng imbestigador, nang malasing na ang biktima ay hindi na nito napansin na ang itinaling lubid sa kisame ay hindi niya natanggal at nang makatulog ay nabigti ito nang hindi naman intensiyon, bagkus ay nagbibiro lamang.
Nakita rin ni Norberto Abuda, kapatid ng biktima, na umaga pa lamang ay umiinom na ng alak at normal na umano rito ang uminom ng alak araw-araw dahil walang pamilya at trabaho, maliban sa pagtanggap ng pensiyon mula sa Social Security System (SSS). (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending