Ginang lasog sa bus

MANILA, Philippines - Isang ginang ang nasawi matapos masagasaan ng bus nang tumawid ang una upang umiwas sa katalong mister sa Valenzuela City kahapon ng madaling-araw. Dead-on-the-spot sanhi ng pinsala sa ulo at katawan si Clemencia Ferrer, 54, ng San Vicente, Brgy. Karuhatan ng lungsod na ito. 

Sumuko naman ang suspek na si Jonas Ladres, 29, ng Lot 10. Phase E-2, ng naturang lugar. Ayon sa report ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa kahabaan ng MacArthur Highway, Brgy. Dalandanan, Valenzuela City.

Nabatid na katalo ng biktima ang kanyang mister habang naglalakad ang mga ito sa nabanggit na lugar, dahil asar ang ginang tumawid ito upang iwasan ang kina­aasarang esposo, hindi nito namalayan ang paparating at huma­harurot na bus ( VWS-343) na mina­maneho ni Ladres. 

Huli na bago nakaiwas ang ginang at hindi naman nakontrol ng tsuper ang preno, dito na naganap ang trahedya nang masagasaan ang ginang na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan. (Lordeth Bonilla)

Show comments