1,000 pang pulis hanap ng NCRPO

MANILA, Philippines - Nakatakdang mag-recruit ng karagdagang pang 1,000 pulis ang National Capital Region Police Office (NCRPO ) upang mapalakas pa ang kampanya laban sa kriminalidad sa Metro Manila.

Ito ang inihayag kahapon ni NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil , kasunod ng pagpapakalat kahapon ng 120 mga bagong pulis na katatapos lamang ng anim na buwang On-the -Job Training (OJT).

Ang mga rookie cops ay nagsanay sa limang district offices ng NCRPO sa Metro Manila para tumulong sa panga­ngasiwa ng imbestigasyon, trapiko, police visibility at anti-criminality operations.

Ang mga 120 mga Police Officer 1 (POI) ay ipinakalat sa Eastern Police District (EPD) at Manila Police District para mapunan ang ‘appointment process’ ng mga bagong pulis sa PNP.

Ayon kay Bataoil, ang mga rookie cops ay itatalaga sa loob ng apat na buwan sa pagpapatrulya at isang buwan sa pangangasiwa sa daloy ng trapiko bago isalang sa imbes­tigasyon. Nabatid na target ng NCRPO na matugunan ang 6.2% police to population ratio o 1:791 -1:742 o isang pulis sa bawat 791 hanggang 742 katao. (Joy Cantos)

Show comments