MANILA, Philippines - Humingi ng dasal ang pamilya ng inambus na si Department of Public Works and Highways Undersecretary Ramon Aquino sa publiko dahil sa kasalukuyan ay 50-50 ang tsansa nitong mabuhay bunga ng napinsalang atay.
Ito ang nabatid mula sa isang text message na ipinadala sa mga mamamahayag ng pamilya Aquino kamakalawa ng gabi.
“Ipagdasal natin siya. Nasa dialysis siya ngayon. Ooperahan siya sa atay pero hindi nakakatiyak ang mga duktor kung mabubuhay siya,” sabi sa mensahe.
Lubhang napinsala ang atay ni Aquino na nasapul ng bala nang barilin sa tagiliran at kanang dibdib sa naganap na pananambang noong Miyerkules ng hapon sa Bonifacio Drive, Port Area, Maynila malapit lamang sa tanggapan ng DPWH.
Nadamay sa ambus ang nasugatang sina Tony Caneletam at Victor Salonga, bodyguard at driver ni Aquino ayon sa pagkakasunod.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang bagong kaganapan sa kalagayan ni Aquino.
Papunta sana si Aquino sa Malacañang nang tambangan ng mga hindi kilalang salarin. (Ludy Bermudo)