DOH tutulong sa BJMP na gamutin ang sakit ng mga preso
MANILA, Philippines - Nagpahayag ng kahandaan ang Department of Health (DOH) na tumulong sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na sugpuin ang iba’t ibang uri ng sakit na sumusulpot ngayong tag-init sa mga piitan sa bansa.
Ayon kay Health Secretary Franciso Duque III, kailangan na maagapan ang mga sakit at kondisyon ng mga preso upang maiwasan ang paglala ng mga ito. Ilan sa mga sakit na nakukuha sa kulungan ay ang asthma, galis, ubo, sipon at diarrhea.
Gayunman, inamin din ni Duque na magiging limitado din ang kanilang mga kilos at programa bunga na rin ng kakulangan sa pondo at ang lugar na maaaring pagtayuan ng mga kulungan lalo pa’t ang konsepto ng mga kulungan ay “correction and rehabilitation”.
Bagama’t naglalaan lamang ang DOH ng mga gamot at health support sa mga inmates mas kailangan ng mga ito ang maayos at makataong pasilidad. Aniya, hindi naman hayop ang mga preso na kailangang pabayaan upang magkahawa-hawa ng sakit.
Kaugnay nito, sinabi naman ni BJMP Director Rosendo Dial na ginawa nila ang lahat ng paraan upang mapabuti ang kondisyon ng mga preso subalit dahil na rin sa kakulangan ng pondo, hindi nila ito maisakatuparan.
Sa katunayan aniya ay matagal na silang humihingi ng pondo para sa paglalagay sa iba pang mga piitan sa bansa at maiwasan ang congestion. (Doris Franche)
- Latest
- Trending