PAO forensic expert ipinagtanggol ang QCPD-SOCO
MANILA, Philippines - Ipinagtanggol ng forensic expert ng Public Attorney’s Office ang isinagawang “forensic autopsy” ng Quezon City Police District-Scene of the Crime Operatives (SOCO) sa mga napaslang na hinihinalang karnaper na unang inihayag ng Commission on Human Rights na gawa-gawa lamang.
Sa pulong balitaan kahapon sa PAO Main Office sa East Avenue, Quezon City, sinabi ni Atty. Erwin Erfe, professor sa medisina sa Ateneo Law School at miyembro ng International Academy of Legal Medicine, na walang katotohanan ang akusasyon ng pri badong pathologists ng CHR.
Sa naglabasang ulat, sinabi ng CHR na gawa-gawa lamang ang autopsy report na isinumite ng QCPD SOCO dahil sa hindi inalis ang mga lamang-loob sa mga bangkay at natimbang pa ito kahit na hindi naialis sa katawan.
Ipinaliwanag ni Erfe na tinatanggal lamang ang mga lamang-loob sa ordinaryong mga awtopsiya ngunit sa “forensic autopsy”, kinakailangan umano na maging buo ito upang madetermina ang pagpasok ng bala sa katawan. Ginagawa rin ito upang mapreserba ang mga ebidensya. Hindi rin umano importante ang timbang ng mga “vital organ” dahil sa wala naman itong kinalaman sa sanhi ng pagkamatay ng isang biktima.
“You do not throw away or mess up the evidence. You keep it intact,” ayon kay Erfe. “The threat to file administrative and criminal charges against the PNP medico-legal officers who performed the autopsy has no basis and just shows the embarrassing lack of experience of their forensic adviser/s. I am forced to think that this is just their strategy to harass the PNP forensic experts and to divert the attention of the public away from their misguided and already losing cause”.
Iginiit naman ng QCPD Crime Laboratoy na mahigpit nilang ipinapatupad ang pagiging patas sa lahat ng kanilang imbestigasyon bago dumating sa isang konklusyon. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending