Sakit sa balat, hika, TB, kakalat sa mga bilangguan
MANILA, Philippines - Pinangangambahan ngayon ang pagputok ng sari-saring sakit sa balat at sa baga sa mga bilangguan sa Metro Manila at ibang panig ng bansa dahil sa sobrang init ng panahon ngayong “summer”, sobrang siksikan at inaasahang pagkonti ng suplay ng tubig sa mga susunod na buwan.
Una nang nagpahayag ng pangamba si Manila City Jail warden Supt. Hernan Grande sa malaking problemang kakaharapin sa mga kalusugan ng mga bilanggo kung saan karaniwang kumakalat ang mga sakit na bulutong, tigdas, hika at tuberculosis sa mga inmates kapag panahon na ng tag-init.
Lumalala umano ang mga sakit na ito dahil sa patuloy na malasardinas na kondisyon sa mga selda. Sa MCJ, sinabi ni Grande na kaya lamang nitong mag-okupa ng 2,500 bilanggo ngunit sa kasalukuyan, nasa 4,502 lalaking bilanggo at 817 babaeng inmates na ang nakakulong dito.
Dahil umano ito sa bagal ng usad sa takbo ng kaso ng mga bilanggo sa kabila na rin ng ipinapatupad na “justice on wheels” ng Korte Suprema.
Nagsasagawa rin ng “decongestion program” ang BJMP kung saan unti-unting inililipat na ang mga bilanggo sa mga city jails sa Metro Manila District Jail sa Bicutan, Taguig City. Prayoridad ng mga wardens na ilipat ang mga basagulero at instigador ng mga riot kabilang na ang ilang miyembro ng Batang City Jail at Commando Gang na nagpasimuno sa riot sa Quezon City Jail kamakailan.
May koordinasyon na rin umano ang BJMP sa International Committee of the Red Cross (ICRC) upang magsagawa ng mga “health missions” sa iba’t ibang bilangguan sa bansa ngayong summer. Nanawagan rin ang BJMP sa mga pinuno ng mga local government units (LGUs) na sumaklolo sa mga city, municipal at district jails upang maiwasan ang pagputok ng “outbreak” ng sakit sa mga bilanggo. (Danilo Garcia at Doris Franche)
- Latest
- Trending