16-anyos binuhusan ng kape sa mukha, pumatay
MANILA, Philippines - “Nagdilim po kasi ang paningin ko nang buhusan niya ako ng kape sa mukha, kaya nasaksak ko na siya.” Ito ang katwiran ng isang 16-anyos na binatilyo na itinago sa pangalang Enteng matapos na sumuko kay Senior Supt. Ramon de Jesusa, hepe ng Pasig City Police ilang oras matapos na mapatay sa saksak ang isang 34-anyos na si Salvador Benitez, ng Brgy. San Agustin sa nasabing lungsod.
Ayon sa binatilyo, nagpasya siyang sumuko sa awtoridad bunsod na rin ng pakiusap ng kanyang kuya upang bigyang-linaw na ang kanyang ginawa ay pagdidipensa lamang sa kanyang sarili. Nangyari ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa may harap ng isang tindahan na pinapasukan niya sa Brgy. San Agustin sa nasabing lungsod. Habang nagbabantay umano ang binatilyo ay dumating si Benitez na lasing at pinagtripan ang una sa pamamagitan ng pananakot na papatayin ito.
Ayon sa binatilyo, humingi muna ng kape ang biktima kasabay ng makailang ulit na hinampas nito ang mesa at bangko ng kanilang tindahan na binabalewala lamang niya dahil alam niyang lasing ito. Sinasabing humantong sa pananaksak ang insidente nang awatin ang biktima ng kanyang tiyahin at may-ari ng tindahan na si Editha Tidalgo kung saan lalong ikinagalit nito saka binuhasan ang suspek ng kape sa mukha.
Dito na nagdilim ang paningin ng binatilyong suspect kasabay na dumampot ng patalim at tinarakan ang biktima sa dibdib saka tumakas. Nagawa pang itakbo sa Pasig City General Hospital ang biktima ngunit idineklara din itong patay.
Ang binatilyo ay nasa pangangalaga nga yon ng lokal na Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa kaukulang disposisyon. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending