MANILA, Philippines - Inirekomenda kahapon ng Quezon City Prosecutor’s Office ang pagsasampa ng kasong qualified theft laban sa tatlong empleyado ng Unitrex Enterprises matapos mapatunayang hindi nagpasok ng koleksiyon noong taong 2007.
Kasabay nito, inatasan din ni Asst.State Prosecutor Manuel Luis Felipe na maglagak ng tig-P42,000 piyansa ang mga akusadong sina Rosanna Castan, Ligaya Geonanga at Alfredo Regino para sa kanilang pansamantalang kalayaan.
Nag-ugat ang kaso ng tatlong akusado matapos magsampa ng reklamo si Lolita Lim-Letaba nang hindi ipasok ng mga akusado ang koleksiyon na nagkaka halaga ng P41,500 na kinuha ng mga akusado sa arawang upa ng mga suppliers na umuokupa sa kanilang mga ipinarerentang booth.
Nabatid na noong Hulyo hanggang Agosto, 2007 ay ini-award sa Unitrex Enterprise na may tanggapan sa Ortigas, Pasig, ang isang Bazaar Exhibit Project na nasa Farmers Plaza, Cubao, Quezon City na kinilalang “Consumer Fair Project and the Women’s Essentials and Craft Fair Project”.
Sina Castan ang itinala gang mga liason officer na naatasan mangolekta ng arawang upa ngunit P365,200 na koleksiyon ang pinasok nito sa halip na P406,700. (Angie dela Cruz)