2 suspect sa murder, timbog
MANILA, Philippines - Mabilis na natukoy ang dalawa sa tatlong suspect na bumaril at pumatay sa isang umano’y police asset makaraang makunan ang aktuwal na krimen ng nakatalagang closed-circuit television (CCTV) sa lugar ng pinangyarihan, sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nabatid na kaagad pinakilos ni Manila Police District-Station 3, chief Supt. Romulo Sapitula ang kanyang mga tauhan na nagresulta sa pagkakahuli sa mga suspect na sina Gerry Jamal Buacan at Ali Ampatuan Sultan sa pamamaslang sa isang Ernesto dela Vega, 35, residente ng Quezon Blvd., Quiapo, Maynila.
Ayon sa ulat dakong alas-8:30 ng gabi, kamakalawa, nang maganap ang insidente sa panulukan ng Arlegui at Nepomoceno Sts., Quiapo.
Nakita sa rumehistrong kuha ng camera ang paglapit ng tatlong lalaking suspect sa naglalakad na biktima at walang sabi-sabing binaril ito at tinamaan sa dibdib.
Nakita din kung paano tumakas ang mga suspect matapos ang pamamaril.
“We were able to identify the suspects on the CCTV footage taken when the incident happened. Within an hour, my men were able to arrest the two suspects whose features were captured on video,” ani Sapitula.
Naniniwala si Sapitula na may kinalaman sa droga ang pagpatay sa biktima dahil sa hinalang ang biktima ang nagtuturo sa kanilang iligal na aktibidad.
Madalas umanong kasama ng mga pulis ang biktima at kalakaran na sa lugar na sinumang kausap o kasamang sibilyan ng mga pulis ay itinuturing na ‘informer’ at hindi nagtatagal ay pinapatay umano ito. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending