3-anyos ikinakadena, binubugbog ng ina
MANILA, Philippines - Inaresto at ikinulong kahapon ng pulisya ang 28 anyos na tinderang si Luzviminda Malinao dahil sa pagkadena, pagkulong at panggugulpi sa anak niyang tatlong taong gulang na lalaki.
Nahaharap sa kasong paglabag sa anti-child abuse law si Malinao makaraang matuklasan ng mga awtoridad ang ginagawa niya sa kanyang anak na si Jermain Jeckain sa loob ng kanilang bahay sa Phase 10-A, Package 1, Block 9, Lot 1, Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon sa tanggapan ng Scene of the Crime Operatives ng Northern Police District, dakong ala-1 ng hapon nang mailigtas ang biktima sa loob ng kanyang bahay.
Isang kapitbahay ang tumawag sa opisina ng Department of Social Welfare and Development sa Caloocan City para ipabatid ang pagmamalabis umano ng suspek sa kanyang anak.
Mabilis namang umaksyon ang DSWD sa tulong ng mga kagawad ng Women’s and Children’s Protection Desk ng Ca loocan City Police at Barangay Protection Council para mailigtas ang paslit.
Dito, sapilitang binuksan ng mga awtoridad ang bahay ng biktima at tumambad sa kanila ang kaawa-awang kalagayan ng paslit sa loob ng isang silid ng kanilang bahay.
Ang magkabilang paa nito ay may bakas ng peklat na palatandaan na ikinakadena ito parati ng kanyang ina.
Dahilan nito ay agad na isinama ang paslit ng mga tauhan ng DSWD habang ang ina nito ay inaresto ng pulisya. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending