Maid na lumason sa amo nakatakas sa city jail
MANILA, Philippines - Posibleng umatake na naman ang isang katulong na nanglalason at nagnanakaw sa napapasukan nitong mga amo makaraang makatakas ito sa Manila City Jail noong Biyernes pa umano ng hapon.
Ito ang inihayag kahapon ni Manila Police District-Station 1 Chief P/Supt. Nelson Yabut na nagsabing ikinasa na nila ang malawakang pagtugis sa suspek na si Anamier Livrando na nahaharap sa mga kasong robbery, qualified theft at attempted murder.
Inaresto si Livrando noong nakaraang taon makaraang lasunin at nakawan niya ang pamilya ng amo niyang Filipino-Chinese at isa pang kapwa katulong sa Binondo, Manila.
Dumaan umano sa kisame ng selda si Livrando hanggang sa tuluyang makalabas ng piitan.
Agad na ring nakipag-ugnayan si Yabut sa Bureau of Jail Management and Penology upang kuwestiyunin ang naging kapabayaan ng mga bantay sa MCJ.
Agosto 2008 nang madakip si Livrando sa pinagtataguang bahay sa Quezon City. Pinani niwalaang miyembro ng robbery group at isa umanong Rita Manabat ang lider ng gurpo na gumagamit ng modus operandi na mag-aaplay bilang katulong at lalasunin ang mga amo at iba pang katulong upang maospital bago sasalisihan ng pagnanakaw.
Dahil dito, nagbabala si Yabut sa publiko na kilatising mabuti ang kukuning katulong at ireport sa pulisya ang kakaibang ikinikilos at baka matsambahan sila ni Livrando.
- Latest
- Trending