Nakabangga sa Ateneo pupil, nag-sorry
Humingi ng tawad ang babaeng driver sa pamilya ng 10-anyos na grade school pupil ng Ateneo de Manila University na aksidente niyang nabangga na nagresulta sa pagpanaw nito.
Nabatid na nagpiyansa ang suspek na si Ma. Theresa Torres sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ngunit maaaring makalabas pa sa darating na Lunes. Tumanggi naman ito na tumanggap ng panayam dahil sa matinding kalungkutan at nagpalabas na lamang ng opisyal na pahayag.
“I apologize to them for the difficulties, sorrow, and trouble plaguing their lives brought by the tragic accident and I pray to God that they overcome that suffering. I and my family are also suffering from this experience. God knows no one among us wants this thing to happen in our lives,” ayon sa opisyal na pahayag ni Torres.
Nabatid na nakapaglagak na ng P42,000 piyansa si Torres ngunit sa Lunes na ito makakalabas dahil sa nasa isang kumbensyon ang mga mahistrado ng Quezon City Regional Trial Court.
Matatandaan na nasawi ang grade 4 pupil na si Juan Carlo Miguel Alcantara nitong nakaraang Martes malapit sa main entrance ng Ateneo de Manila University nang mabangga at maipit ng Toyota Hi-Ace na minamaneho ni Torres at ng isang Honda CRV na nabangga ng naunang sasakyan.
Ikinatwiran ni Torres sa inisyal na imbestigasyon na hindi umano gumana ang preno sanhi upang hindi niya makontrol ang sasakyan. Lumalabas naman sa inspeksyon sa van nito na gumagana naman ang brake ng sasakyan at maaari umano na ang “accelerator pedal” ang naapakan ng suspek dahil sa “automatic” ang sasakyan.
Una namang nagharap kamakalawa sa Camp Karingal sina Torres at ama ng biktima na si Fernando Alcantara kung saan hindi nakuntento ang huli sa pahayag ng una na wala siya umanong magawa dahil sa aksidente ang nangyari. Hindi rin humingi ng paumanhin umano ang suspek sa matandang Alcantara sa naturang pagtatagpo. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending