Psycho test sa mga sundalo, iniutos
Ipinag-utos kahapon ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagpapalakas pa ng pagsasagawa ng psychiatric test at stress debriefing sa mga sundalong sumasabak sa battle zone area sa buong bahagi ng bansa.
Ang hakbang ay isinagawa matapos na maalarma si Teodoro kasunod ng nangyaring pamamaril ni Army Sgt. Elias Tial noong Miyerkules ng gabi sa barracks ng Special Forces Company (SFC) sa Fort Bonifacio na ikinasawi ng tatlo nitong opisyal.
Kasabay nito, tiniyak ng Kalihim na mananagot sa batas si Tial sa pagkakapatay sa mga biktimang sina Capt. Dionillo Aragon Jr., 1st Lt. Gerald Fuentes, at Master Sergeant Eliseo de la Cruz , Jr.
Sa nasabing insidente ay malubha namang nasugatan si Captain Benito Ramos Jr., Commanding Officer ng SFC na patuloy na nilalapatan ng lunas sa Makati Medical Center.
Sa panayam, sinabi naman ni Army Spokesman Lt. Col. Romeo Brawner Jr., na nagbigay na ng direktiba si Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado na unahin sa psychological test at stress debriefing ang mga sundalong walang puknat ang pagsabak sa giyera partikular na ang mga nakadestino sa mga tinaguriang ‘combat zone’ sa Mindanao Region .
Sa inisyal na imbestigasyon, nabatid na naburyong si Tial matapos pagsabihan ng kaniyang mga superior na mag-file muna ng leave bago umuwi sa Iloilo para dumalo sa burol ng ama nito na namatay noong Pebrero 21.
Kaugnay naman ng pagtugis kay Tial, sinabi ni Brawner na nabigo silang maaresto ito kamakalawa ng gabi dahil hindi na ito inabutan ng tracking team sa lugar na kaniyang pinagtataguan sa isang bahay sa kahabaan ng C-5 sa Taguig.
Magugunita na noong April 24, 2008 ay nag-suicide si Army Colonel Roberto Caldeo matapos na magbaril sa sentido sa kaniyang quarters sa Fort Bonifacio kung saan lumitaw sa imbestigasyon na sinisisi nito ang sarili sa pagkamatay ng marami sa kanyang mga tauhan sa engkuwentro sa mga bandidong Abu Sayyaf sa Puno Mohadji sa Isabela, Basilan noong 2000. (Joy Cantos at Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending