Sanggol na ibinenta ng sariling ina, naibalik na
Ipinaubaya na ng pulisya sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pag-iimbestiga at posibleng pagsasampa ng kaso laban sa babaeng nagbenta sa kanyang anim na buwang gulang na anak, sa halagang P3,000, sa Tondo, Maynila.
Ito’y matapos isoli mismo sa Manila Police District-Station 1 ang sanggol na si “Baby Alaidia”, ng isang Virginia Dominguez, kapatid ng suspect na si Victoria, 25, residente ng Herbosa st, Tondo.
Si Victoria ay live-in partner ng nagreklamong si Ardolfo Permejo, 27, pedicab driver, ng Dagat-Dagatan Ext., Caloocan City. Nilinaw ni P/Supt. Ernesto Tendero, hepe ng Station 1, dakong alas-6:30 ng gabi nang ibalik ang beybi at nagpaliwanag si Dominguez na hindi naman ibinenta sa kanya ang sanggol kundi ipinaampon dahil sa kahirapan.
Aminado umano si Dominguez na binigyan niya ng P3,000 ang kapatid upang makatulong sa pampagamot dahil parehong gumagamit ng iligal na droga ang kapatid ang live-in na si Permejo.
Una nang napaulat ang pagbebenta ni Victoria sa sanggol noong nakarang Huwebes sa loob ng isang fastfood sa tapat ng Sto. Niño church sa halagang P3,000.
Sinabi ni Supt. Tendero na ang DSWD ang bahalang magpasiya kung ibabalik sa kustodiya ng magulang ang sanggol at kung ano pa ang magiging sitwasyon ng mag-asawa. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending