90 pamilya nasunugan ng bahay
Tinatayang 90 pamilya ang nawalan ng tirahan nang sumiklab ang sunog na tumupok sa may 50 kabahayan sa Brgy. 69, Park Avenue, Pasay City na bunsod ng pagsabog ng isang tangke ng liquefied petroleum gas kahapon ng madaling-araw.
Batay sa ulat, nagsimula ang sunog sa bahay ng isang Perfecto Trinidad na nasa 185 Int. Libertad ng nabanggit na lungsod.
Pansamantala namang ginawang evacuation center ang Jose Rizal Elementary School sa Park Avenue para sa mga biktima.
Kasabay nito, umaabot sa P9 milyon halaga ng mga ari-arian ang nilamon ng apoy sa dalawang sunog sa Quezon City.
Ang unang sunog ay naitala sa Hi-Max Trading and Hardware sa 121 Kalayaan Avenue Barangay Central.
Nagsimula ang sunog nang isa sa mga tauhan ng naturang hardware store ay nagtangkang gumamit ng isang bread toaster malapit sa lalagyan ng mga thinner ng pintura.
Nasunog din ang isang bodega sa West Riverside, Frisco sa Brgy. Damayan. Natupok ng apoy ang isang bodega ng Zeta International Trading Corp. (Rose Tamayo-Tesoro at Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending