Sekyu itinumba sa sementeryo?
MANILA, Philippines - Isang malaking palaisipan ngayon sa pulisya kung sadya ngang nagpakamatay o pinatay ang isang guwardiya sa loob ng barracks ng isang sementeryo kamakalawa ng hapon sa Makati City.
Ang biktima ay kinilalang si Alberto de Vera Jr., 53, may-asawa, residente ng Blk. 14, Lot 17, Lanzones St., Calendola VII, San Pedro Laguna at guwardiya ng Maximum Security and Service Corp.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-4:24 kamakalawa ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng barracks ng Manila Memorial Center na nasa 2383 Pasong Tamo Extension, Makati City.
Ang biktima ay natagpuang duguang nakatihaya at may tama ng bala sa kaliwang sentido nito.
Napag-alaman na bago naganap ang insidente, naglilinis ang isang tauhan ng libingan sa kapaligiran ng Manila Memorial Center nang bigla siyang nakarinig ng isang malakas na putok sa loob ng barracks.
Nang usisain ang pinanggalingan ng putok, nakita nito ang biktima na duguan habang hawak ang isang .38 kaibre ng baril. Wala namang nakitang anumang suicide note sa bangkay ng biktima at maging sa kapaligiran nito.
Sa kasalukuyan ay pinagdududahan pa ng pulisya ang anggulong nagpakamatay ang biktima at inaalam din ng awtoridad kung ito nga ay kaliwete base sa tama ng bala sa kaliwang sentido nito at kung sadyang binaril ito ng malapitan.
Malaki rin umano ang posibilidad na pinalabas lang na nagpakamatay ito upang maikubli ang krimen. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending