P12-M puslit na manok nasabat
MANILA, Philippines - Nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang P12 milyong halaga ng mga smuggled na manok sa Manila International Container Port (MICP) sa Maynila.
Sinabi ni Customs Commissioner Napoleon Morales, lulan ng apat na container van ang naturang mga manok at nakatakda na sanang ipakalat sa mga pamilihan sa Metro Manila at mga karatig lalawigan.
Nabatid na galing sa China at Hong-Kong nasabing mga kontrabando kung saan idineklara ang mga ito sa Customs bilang mga sangkap sa pagkain o food ingredients na naka-consigne sa Rich World Logistics Inc. Subalit nang inspeksyunin ang van ay nadiskubre na naglalaman ang mga ito ng may 73,000 kgs ng mga choice cuts chicken parts.
Nilinaw naman ni Morales na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Agriculture (DA) upang masuri ang nasabing mga manok kung kontaminado ng sakit ang nasabat ng mga manok at kung hindi makakasama sa kalusugan ng mga taong makakakain nito. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending