Mag-utol na paslit, patay sa sunog
MANILA, Philippines - Iniwan lamang sa tiyahin ng kanilang mga magulang ang dalawang paslit nang ma-trap at malitson nang buhay sa loob ng kanilang comfort room sa Sampaloc, Maynila kahapon ng hapon. Hindi na umano makilala dahil sa pagkasunog ng buong katawan ng magkapatid na sina MJ, 6 at Iverson Coronel, 4, kapwa residente ng #768 Bataan St., Sampaloc, Maynila. Ayon sa report, dakong alas-3:12 ng hapon ng nagsimula ang sunog sa bahay ng magkapatid. Nabatid na iniiwan umano ng mag-asawang Jefferson, 29 at Mary Ann, 28, ang kanilang anak sa kanilang tiyahin na si Gisselle Billones dahil kapwa umano ito nagtratrabaho. Gayunman, kinakailangan din umanong umalis ng bahay si Billones dahil kukunin umano nito ang kanyang suweldo kaya iniwan nito ang dalawa sa loob ng kanilang bahay. Iniimbestigahan naman ng Manila Fire Bureau kung may pananagutan ang tiyahin ng mga biktima at inaalam kung ikinandado ang mga ito dahilan upang ma-trap sa bahay nang magsimula ang sunog. Napuna na lamang ng mga residente ng lugar ang lumalagablab na ang bahay ng pamilya Coronel hanggang sa mabilis na lamunin ito at nagdamay pa ng apat na kabahayan na yari lamang sa light materials. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending