P5-milyon pekeng Lee jeans nasamsam
MANILA, Philippines - Nasamsam ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pekeng “Lee jeans” na nagkakahalaga ng P5.1 milyon matapos ang ginawang pagsalakay sa isang bodega sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Nabatid kay NBI Regional Director at Intellectual Property Rights Division chief, Atty. Elfren Meneses, naghain ng reklamo ang HD Lee Company kaugnay sa natuklasang pagbebenta ng pekeng produkto na dala ang kanilang brand name.
Batay sa mga impormasyong iniwan ng kompanya, isinagawa ang surveillance at test buys bago tuluyang sinalakay ang stockroom ng Yuan Guin na nasa No. 620 Apello Cruz Street , Malibay, Pasay City.
Nakumpiska rito ang 2,837 piraso ng pekeng Lee jeans na kinumpirma ng Orion Support Incorporated (OSI), isang research firm na kumakatawan sa Intellectual Property Rights ng HD Lee Company.
Nakatakdang magsampa ng kasong paglabag sa Trademark Infringement sa ilalim ng Intellectual Property Code of the Philippines or Republic Act 8293 ang NBI laban sa may-ari ng nasabing bodega. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending