P14-milyon puslit na chargers at lighters nasabat ng Customs
MANILA, Philippines - Tinatayang P14 milyon halaga ng mga smuggled cellphone chargers at lighters ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) kahapon sa Port of Manila.
Ang nasabing mga kargamento ay nakalagay sa dalawang magkahiwalay na container van buhat sa bansang China.
Ayon kay Deputy Commissioner Reynaldo Umali,ang naunang kargamento ay naglalaman ng Lighters na tinatayang P10,266,507 na naka-consign sa Sea Dragon Trading kung saan nauna itong idineklara bilang 1190 karton ng hair elastic Nebulizer at Sponge Plunger.
Samantalang ang ikalawang kargamento ay idineklara bilang mga Rack Stand, Filing cabinet, Papery trays at Battery charger, battery at packaging materials na nagkakahalaga ng P3,677,675 na naka-consign naman sa Echolane International Trading.
Sinabi naman ni Commissioner Napoleon Morales na ang nasabing operasyon ay kaugnay pa rin sa kanilang programa na Run after the Smugglers (RATS).
Inatasan na rin ni Morales ang malalim na imbestigasyon upang masampahan ng kasong kriminal at administratibo kung sino ang mga empleyado at opisyal na sangkot sa smuggling sa BOC. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending