Suicide o aksidente: Pagkamatay ng kusinero sa Star Flyer binubusisi
MANILA, Philippines - Hindi kumbinsido ang pamilya ng isang 39-anyos na kusinero na pagpapakamatay ang dahilan ng pagkakahulog nito mula sa star flyer ng Star City Carnival sa Cultural Center complex sa Pasay City kamakalawa ng hapon.
Batay sa follow-up investigation ni Chief Inspector Joey Goffort, Deputy Chief ng Station Investigation & Detective Management Section, ang biktima ay kinilala ng kanyang pamilya na si Carmelito Peña, 39, Tapsilugan cook, sa Harrison Plaza Mall at residente ng Binangonan, Rizal.
Ang biktima ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital bunga ng pagkakabali ng kanyang tadyang, pagkakawasak ng mukha at pagkakabasag ng bungo nito.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng pulisya na ang insidente ay naganap dakong alas-3:10 ng hapon makaraang sumakay ang biktima sa star flyer upang masubukan umano ang thrill sa pagsakay sa naturang ride.
Ayon naman kina Catherine Veaga, ticket seller, at Jay Ilagan, Star Games attendant, bagama’t ikalimang rider ang biktima ay sa unahan ito ng naturang ride umupo.
Makalipas ang ilang minuto, habang umiindayog papaikot nang pabaligtad ang star flyer, bigla na lamang nahulog at bumulusok ang biktima sa lupa mula sa 30 talampakan ng kinauupuan nito.
Ayon naman sa ticket checker na si Joan Gubat, bago sumakay ang biktima, nagtanong pa umano ito na kung sakaling sasakay siya sa star flyer ay posible ba siyang mamamatay.
Habang inilalagay naman sa kaayusan ang mga guest riders, napuna umano ni Gubat na palinga-linga ang biktima, balisa at hindi mapalagay.
Malaki naman aniya ang hinala ni Gubat na nagpakamatay ang biktima at kusang inalis nito ang safety belt na nakakabit sa katawan upang magpatihulog mula sa naturang sasakyan.
Ngunit lumilitaw sa hiwalay na isinagawang imbestigasyon ng pamunuan ng Star City sa star flyer na intact ang seatbelt ng inuupuan ng biktima kaya hindi malaman kung paano nahulog ang biktima.
Sa ginawa namang pagsusuri ng awtoridad, nawawala ang safety belt sa kinauupuan ng biktima kung saan posible umano itong nakalas na naging dahilan ng pagkakahulog ng biktima na nagresulta sa pagkamatay nito.
Ayon naman kay Josepina Cison, panganay na kapatid ng biktima, hindi siya naniniwala na nagpakamatay ang kanyang kapatid dahil masayahin, palabiro at pala-tawa ito.
Samantala, nilinaw naman ni Ed De Leon, head ng Public Information Office ng Star City, na walang anumang mechanical o human trouble sa nangyaring aksidente at computer controlled rin ang safety belt ng star flyer.
Iginiit ni De Leon na posible umanong sadyang nagpadulas sa inuupuan ang biktima kaya nahulog ito dahil wala namang anumang nakitang sira sa makina ng sinakyan nitong star flyer.
Sa kasalukuyan, nagsasagawa pa ng malalim na imbestigasyon ang awtoridad kung may naganap na kapabayaan ang pamunuan ng Star City sa mga ginagamit sa sasakyan sa loob ng carnival.
Hiniling din ng awtoridad kay City Eng. Edwin Javaluyas na magsagawa ng imbestigasyon kung nagkaroon ng technical at mechanical problem ang star flyer.
Ayon kay Chief Insp. Goffort, kapag napatunayan na nagkaroon ng kapabayaan ang management ng Star City, irerekomenda nila na maipasara ang star flyer at sasampahan ang pamunuan nito ng kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending