MANILA, Philippines - Magkakayakap pa nang matagpuan ang mga bangkay ng isang mag-iina makaraang matusta ang mga ito sa isang sunog na lumamon sa tatlong bahay sa Commonwealth, Quezon City kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang mga nasawi na sina Emmy Ambrosio Cabilino, 45-anyos; mga anak nitong sina Shawell, 24; at Carlo, 19 anyos, pawang mga naninirahan sa # 190 Don Damaso ext., Don Antonio heights, Barangay Holy Spirit sa naturang lunsod.
Isinugod naman sa Philippine National Red Cross-Quezon City ang iba pang mga sugatang kapamilya ng mga ito na sina Durano Cabilino, 49; asawang si Jing Cabilino at mga kaanak na sina Ricamae, 2; John Ray, 11; Regine, 12; at Jeric, 3-anyos. Nakaligtas naman matapos na makalabas ng nagliliyab na bahay si Cindy Cabilino, 19 anyos.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection-Quezon City, dakong alas-5:57 ng umaga nang sumiklab ang apoy sa naturang lugar na mabilis na kumalat sa bahay ng pamilya Cabilino at sa dalawa pang kapitbahay.
Tumagal nang halos isang oras ang pakikipaglaban ng mga bumbero bago tuluyang naapula ang apoy dakong alas-6:45 ng umaga. Natagpuan naman ang bangkay ng mag-iinang Cabilino sa loob ng banyo ng kanilang bahay.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na ilegal na jumper sa kuryente ang dahilan ng naturang sunog matapos na sumiklab dahil sa “overloading”. Ikinabit umano ang jumper sa dingding ng sala ng bahay kung kaya naging mabilis ang pagkalat ng apoy.
Nanawagan naman ang BFP sa publiko lalo na sa mga naninirahan sa mga “squatters area” na tigilan na ang paggamit ng iligal na jumper para makalibre sa kuryente dahil sa mas malaki ang magiging sukli nito tulad ng pagkawala ng buhay at ng kanilang mga ari-arian.