133 OFWs biktima ng illegal recruiters nasabat ng BI
MANILA, Philippines - May 133 Overseas Filipino Workers (OFWs) na umanoy biktima ng illegal recruiters na nagtangkang lumabas ng bansa ang naharang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) sa Diosdado Macapagal International Airport (DMIA).
Ayon kay BI Commissioner Marcelino Libanan, ang nasabing bilang ng mga pasahero ay nasabat mula Pebrero 1 hanggang 9 at inaasahan pa rin umanong tataas sa mga susunod na araw.
Idinagdag pa nito na ang 133 mga pasahero ay inilagay na rin nila sa watchlist bilang bahagi ng kanilang standard operating procedure na kanilang sinimulan ang kampanya noong nakaraang taon laban sa mga illegal recruitment at human trafficking.
Muling iginiit ni Libanan ang kanyang babala sa OFW na gustong magtrabaho sa ibang bansa na dumaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa halip na makipag transaksyon sa mga illegal recruiters.
Nilinaw naman ni Libanan na wala ring mangyayari para sa mga tourist workers na lumabas ng bansa sa pamamagitan ng DMIA at iba pang paliparan dahil sa mahigpit na monitoring ng BI na ipinatutupad din sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinimulan ang paghihigpit ng BI sa DMIA noong nakaraang taon dahil sa mga ulat na ginagamit ang nasabing paliparan ng mga illegal recruiters na nag-ooperate sa NAIA .
Base sa ulat na isinumite ni DMIA- BI operations Chief Heranio Manalo, karamihan umano sa mga undocumented OFWs ay patungo sa Malaysia at Singapore na siyang nasabat noong unang siyam na araw ng Pebrero. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending