MANILA, Philippines - Labing-walong mag-aaral at isang pulis ang nasugatan sa ginanap na rock concert sa University of the Philippine (UP) Campus makaraang manggulo dito ang ilang kabataang gate crashers sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Sa report ng UP Police, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang mag-panic ang mga UP students nang nagpumilit pumasok ang mga kabataang gate crashers sa naturang rock concert sa Sunken Garden, UP Campus, Diliman, Quezon City.
Sinasabing habang nasa gitna ng konsiyerto, bigla na lamang nagdatingan ang mga kabataan subalit sa gate pa lang ay hinarang sila at pinagsarhan ni UP Police Sgt. Ramon Mondrigo.
Dahil dito, inuga ng mga suspek ang gate sa naturang unibersidad hanggang sa bumagsak ito at nadaganan si Mondrigo.
Kasunod nito, nagkagulo na at nagtakbuhan ang mga nanonood sa konsiyerto na ikinasugat ng 18 estudyante. Agad namang ipinatigil ng mga opisyales ng UP ang concert habang mabilis na nagtakbuhan ang mga kabataang gate crashers na hinihinalang mga lango sa ipinagbabawal na droga.
Si Sgt. Mondrigo ay dinala noon din sa UP Clinic at binigyan ng first aid bago isinugod sa isang ospital. Ligtas naman sa anumang malalang kapahamakan ang mga nasugatan sa naturang konsiyerto.
Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)