Bahay ng guro, sinalakay ng 'Akyat-Bahay'
MANILA, Philippines - Umaabot sa P.5 milyong halaga ng iba’t ibang uri ng alahas ang nakulimbat ng isang pinaghihinalaang miyembro ng “Akyat-Bahay” gang makaraang looban nito ang bahay ng isang guro, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Namukhaan pa ng mga security guard ng subdivision ang suspect na may taas na 5’2’’, mahaba ang buhok, nakasuot ng itim na t-shirt at itim na pantalon habang palabas ng bahay ng biktimang si Glen Cipin, 52, sa Gatchalian Subd., Manuyo Dos ng naturang lungsod subalit mabilis ding nakatakas ang ang una sakay ng motorsiklo na may plakang PE-1100.
Sa pahayag naman ng saksing si Ybette Vargas, kapitbahay ng biktima, una niyang napuna ang kahina-hinalang kilos ng lalaking pumasok sa bakuran ng pamilya Cipin dakong alas-8:30 ng gabi kung kaya’t itinawag agad niya ito sa mga nakatalagang security guard sa Gate-1 ng naturang subdivision.
Nabatid na walang tao sa bahay ng pamilya Cipin dahil ang mga ito ay pawang nasa trabaho nang looban ang kanilang pamamahay ng suspect.
Lumalabas naman sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya na binasag ng suspect ang salamin sa bintana ng pamamahay ng biktima at dito ito dumaan dahilan upang matagumpay na matangay nito ang iba’t ibang uri ng alahas ng huli. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending