Bahay ni Neri binato ng mga bulok na kamatis
MANILA, Philippines - Sinugod ng may 30 militanteng miyembro ng Gabriela ang bahay ni Social Security System (SSS) President Romulo Neri sa Quezon City kung saan pinagbabato ng bulok ng kamatis ang gate nito upang ipahayag ang pagtutol sa paggamit sa pondo ng ahensya sa “economic stimulus fund” ng pamahalaan.
Dakong alas-10 ng umaga nang dumating ang mga miyembro ng Gabriela sa pangunguna ng kanilang secretary general na si Kristine Balaybay sakay ng dalawang sasakyan sa bahay ni Neri sa may Sta. Mesa Heights, ng naturang lungsod.
Agad namang isinara ng mga kasambahay ni Neri ang gate ng bahay upang hindi makapasok ang mga militante. Galit namang nagsagawa ng maigsing programa ang mga militante kung saan isinisigaw ang kanilang pagtutol sa pagpapautang ng SSS ng P12.5 bilyon para sa P330 bilyong “economic stimulus fund”.
Nangangamba ang mga militante na hindi naman tutubo at hindi mababayaran ng kasalukuyang gobyerno ang naturang pera na ipapautang ng SSS na magiging sanhi ng pagkakawaldas sa inihuhulog na kontribusyon ng mga miyembro na hindi rin kinonsulta sa naturang plano. Dito pinagbabato ng mga bulok na kamatis ang bahay ni Neri ng mga militante bago tuluyang nagsilisan. Nagbanta pa ang mga ito na muling babalik kung patuloy na igigiit ni Neri ang naturang proyekto. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending