LPG pinasingaw, jobless sinunog, pinasabog ang sarili

MANILA, Philippines - Natusta nang buhay ang isang 39-anyos na binata ma­tapos na silaban nito ang sarili sa pamamagitan ng pagsindi sa liquefied petroleum gas (LPG) na naging ugat upang sumabog ito at magliyab ang tinutuluyan niyang bahay sa lungsod ng Pasig kahapon ng umaga.

Kinilala ni Chief Inspector Ricardo Perdigon, fire marshal sa lungsod, ang biktima na si Ferdinand Dulay, ng No. 21-A, San Mateo St., Brgy. Kapitolyo, Pasig City.

Sa imbestigasyon ni Fire Officer 1 Norberto Salvador Jr., may-hawak ng kaso, lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa ikalawang palapag ng gusaling tinu­tuluyan ng biktima.

Sa hindi mabatid na dahilan   ay kinuha umano ng biktima ang isang tangke ng LPG mula sa unang palapag saka inakyat sa ikalawang palapag ng kanyang bahay saka binuksan ang regulator at pinatagas ang gas nito bago kumuha ng lighter at sinindihan ito.

Nang lumapat ang apoy sa tumatagas na gas ng LPG ay biglang sumambulat ito ka­sabay ng pagsiklab ng apoy bago tuluyang nagliyab ang bik­tima maging ang buong kaba­hayan nito.

Ayon pa kay Salvador, po­sibleng hindi na nakalabas pa ng bahay ang biktima nang mag­liyab ito dahil lahat ng pin­tuan at gate nito ay pawang nakakandado.

Samantala, umabot sa ika-apat na alarma ang sunog bago tuluyang maapula ang nasabing sunog kung saan sa isinaga­wang clearing operation ay doon natuklasan ang sunog na bangkay ng biktima sa mis­mong pinagmulan ng pag­sabog.

Ayon pa kay Salvador, nag-iisa lamang umano sa nasabing bahay ang biktima na pag-aari ng kanyang ama na si Basilio Dulay na kasalukuyang nasa bansang Amerika.

Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng na­pin­sala sa nasabing sunog habang patuloy ang imbesti­gasyon para mabatid kung ano ang motibo ng nasawi sa gina­wang pag­sunog sa kanyang sarili.

Show comments