LPG pinasingaw, jobless sinunog, pinasabog ang sarili
MANILA, Philippines - Natusta nang buhay ang isang 39-anyos na binata matapos na silaban nito ang sarili sa pamamagitan ng pagsindi sa liquefied petroleum gas (LPG) na naging ugat upang sumabog ito at magliyab ang tinutuluyan niyang bahay sa lungsod ng Pasig kahapon ng umaga.
Kinilala ni Chief Inspector Ricardo Perdigon, fire marshal sa lungsod, ang biktima na si Ferdinand Dulay, ng No. 21-A, San Mateo St., Brgy. Kapitolyo, Pasig City.
Sa imbestigasyon ni Fire Officer 1 Norberto Salvador Jr., may-hawak ng kaso, lumilitaw na naganap ang insidente dakong alas-10 ng umaga sa ikalawang palapag ng gusaling tinutuluyan ng biktima.
Sa hindi mabatid na dahilan ay kinuha umano ng biktima ang isang tangke ng LPG mula sa unang palapag saka inakyat sa ikalawang palapag ng kanyang bahay saka binuksan ang regulator at pinatagas ang gas nito bago kumuha ng lighter at sinindihan ito.
Nang lumapat ang apoy sa tumatagas na gas ng LPG ay biglang sumambulat ito kasabay ng pagsiklab ng apoy bago tuluyang nagliyab ang biktima maging ang buong kabahayan nito.
Ayon pa kay Salvador, posibleng hindi na nakalabas pa ng bahay ang biktima nang magliyab ito dahil lahat ng pintuan at gate nito ay pawang nakakandado.
Samantala, umabot sa ika-apat na alarma ang sunog bago tuluyang maapula ang nasabing sunog kung saan sa isinagawang clearing operation ay doon natuklasan ang sunog na bangkay ng biktima sa mismong pinagmulan ng pagsabog.
Ayon pa kay Salvador, nag-iisa lamang umano sa nasabing bahay ang biktima na pag-aari ng kanyang ama na si Basilio Dulay na kasalukuyang nasa bansang Amerika.
Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng napinsala sa nasabing sunog habang patuloy ang imbestigasyon para mabatid kung ano ang motibo ng nasawi sa ginawang pagsunog sa kanyang sarili.
- Latest
- Trending