Most wanted na holdaper, timbog matapos mag-amok
MANILA, Philippines - Hindi man sa pagiging holdaper naaresto ay bumagsak na rin sa kamay ng awtoridad ang isang tinaguriang “most wanted” at kilabot na holdaper makaraang mag-amok ito sa kanilang lugar, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Bukod sa kasong multiple robbery hold-up, ang suspect na sinampahan rin ng mga kasong alarm & scandal, iligal na pagdadala ng baril at patalim ay kinilala na si Jeffrey Pilapil, alyas “Tambok”, 31, at residente ng #121 Maguinhawa St. ng nabanggit na lungsod.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang maaresto ang suspect sa kanto ng Maguinhawa at FB Harrison Sts., Pasay City.
Nabatid na unang binalot ng sindak ang mga residente sa naturang lugar nang biglang maghamon ng patayan ang suspect habang iwinawagayway ang dalang baril at itak.
Ang nasabing senaryo ay nakaagaw naman ng pansin sa mga pulis na sina SPO1 Leonardo Garcia, PO3 Menjursa Amil, PO2 Efren Abad at PO2 Fernand Abanto na noon ay nagpapatrulya lulan ng police car at naaktuhan ang suspect na nagwawala.
Kaagad na dinisarmahan ni PO2 Abad ang suspect at nakuha sa pag-iingat nito ang isang itak at .38 kalibre ng baril na naglalaman ng tatlong bala.
Nang suriin naman sa gallery at record ng pulisya, lumalabas na ang suspect ay isa sa “most wanted” at responsable sa limang magkakasunod na holdapan sa FB Harrison St. bukod pa sa iba pang lugar ng Pasay pati ng mga karatig nitong lungsod. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending