LPG sumabog: 3 katao sugatan
MANILA, Philippines - Tatlo katao ang malubhang nasugatan nang sumabog ang isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) makaraang tumagas ang gas nito habang nagluluto ang isang ginang sa lungsod ng Marikina bago magtanghali kahapon.
Ang mga biktima na nagtamo ng 2nd at 3rd degree burns ay kinilalang sina Rolando Soriano, 64; Mona Corada, 18 , katulong ng una; kapwa nanunuluyan sa Unit 7, Molave Townhouse, Molave St., Brgy. Concepcion, sa lungsod; at isang Jesus Esquerdo, 40, karpintero. Si Soriano at Mona ay nilalapatan ngayon ng lunas sa Labor hospital; habang si Esquerdo namay ay ginagamot sa SDS hospital sa nasabi ring lungsod.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng tanghali habang ang asawa ni Rolando na si Helen ay nagluluto ng kanilang pananghalian sa loob ng kanilang tahanan.
Bago nito, nagpapagawa umano ng kanyang unit ang pamilya Soriano at dahil kinukumpuni ni Esquerdo ang kusina ay pansamantalang tinanggal muna ni Rolando ang regulator ng tangke para maging magaan ang pagsasa-ayos dito.
Nang magluluto na si Helen ng pagkain ay muling ibinalik ni Rolando ang regulator subalit naging maluwag ang pagkakakabit nito kung kaya tumagas ang gas mula sa tangke nito na hindi namamalayan ng una. Habang nagluluto ay patuloy sa pagtaas ng volume ng gas sa kusina hanggang sa umabot ito sa apoy ng kalan at biglang sumambulat na naging dahilan upang tamaan ang tatlong nabanggit na biktima.
Samantala, masuwerte namang hindi nadamay sa pangyayari si Helen dahil sa nakaalis na ito sa kusina makaraang mag-ring ang kanilang telepono sa sala. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending