NCRPO umalerto sa Valentine's day
MANILA, Philippines - Upang tiyakin na hindi na mauulit pa ang madugong Valentine’s day bombing noong 2005, umalerto na ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na naglatag ng seguridad sa Araw ng mga Puso sa darating na Pebrero 14 ng taong ito.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil na 100% na nakahanda na ang kapulisan sa Metro Manila para magpatupad ng seguridad at mapigilan ang posibleng pananabotahe ng mga teroristang grupo sa Valentine’s day.
Binigyang-diin ni Bataoil na ang hakbang ay naglalayong maiwasan na maulit pa ang madugong pambobomba ng mga teroristang Abu Sayyaf na may ugnayan sa Jemaah Islamiyah (JI) terrorist sa isang bus sa Makati City na itinaon sa Valentine’s day noong 2005 na kumitil ng buhay ng 3 katao habang 60 pa ang nasugatan.
Kasabay nito, inatasan na ni Bataoil ang limang District Directors at iba pang mga hepe ng pulisya na pangunahan ang pagsusuperbisa sa pagpapatupad ng seguridad sa Metro Manila upang maiwasan ang anumang insidente ng karahasan sa nasabing okasyon.
Ayon sa NCRPO chief, bagaman wala naman silang namo-monitor na pag-atake ng mga teroristang grupo sa paggunita sa Valentine’s day bombing sa Metro Manila ay mas mabuti na ang nakahanda sa lahat ng oras upang hindi ma lusutan ng mga terorista.
Ipinag-utos rin ni Bataoil ang pagpapaigting ng police visibility at pagdedeploy ng karagdagang mga pulis sa mga bus terminals, MRT at LRT stations, daungan at iba pang mga matataong lugar.
Pinakilos ni Bataoil ang intelligence operatives ng NCRPO upang manmaman ang aktibidad ng mga teroristang grupo na posibleng magsagawa ng destabilisasyon o anumang uri ng paghahasik ng terorismo tulad ng pambobomba.
- Latest
- Trending