24-anyos todas sa resbak ng kapitbahay
Isang 24-anyos na lalaki ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay nang resbakan ng kanyang kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Nasawi habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Gerald Bacani, ng Gate 10, Area B, Parola compound dulot ng mga tinamong malalalim na saksak sa katawan.
Wanted naman sa pulisya ang suspect na si Marvin Sesaldo, 20, binata, helper, dating nakaaway ng biktima.
Pinaiimbestigahan din ang mga kaibigan ng suspect na kinilalang sina Onel Badargo, Romenick Ulidan at Charley Ulidan, pawang kapitbahay ng biktima, na mga nag-udyok umano kay Sesaldo na patayin si Bacani.
Ayon sa report naganap ang insidente, dakong alas-8:30 ng gabi malapit sa bahay ng biktima. Nakainom na umano ang biktima mula sa bahay ng kapatid na may kaarawan nang umuwi ito ng bahay kasama ang ilang kaanak nang biglang sumulpot ang suspect na si Sesaldo at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima.
Sa pahayag ni Mary Grace, asawa ng biktima, noong isang linggo ay nakaaway ng asawa niya si Sesaldo sa hindi nabanggit na dahilan at naayos na umano ang gusot nang mamagitan ang kani-kanilang kaanak. Subalit nalaman umano ni Mary Grace na inudyukan umano ng tatlo si Sesaldo na gantihan ang biktima.
Inaalam pa kung may mas malalim na motibo sa pagpatay. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending