Gusgusin at de-hikaw na empleyado 'ban' sa city hall
Noong nakaraang buwan, sinimulang manmanan ng pamahalaang-lokal ng Maynila ang mga empleyado nito sa city hall na tumatambay sa kalapit nitong shopping mall sa oras ng trabaho.
Ngayon naman, ipinagbabawal sa mga empleyado ang maging burara, gusgusin, mga lalake na me nakasabit na hikaw sa tenga, at iyong mga mukhang terorista dahil sa balbas at bigote. At, higit sa lahat, dapat ay may suot na identification card habang nasa loob ng Manila City Hall.
Isinasaad sa circular order na ipinalabas ni City Personnel Chief at Deputy Mayor Joey Silva na sisimulan anumang araw mula ngayong Lunes ang pagbibigay ng written reprimand ang mga empleyadong gusgusin, naka-uniporme ngunit hindi tama ang pagkakasuot (Barong na bukas ang lahat ng butones sa lalaki), at may bigoteng hindi nakaayos.
Ayon kay Silva, bilang isang nagtatrabaho sa premiere city ng bansa, dapat aniya ay ikarangal at ipagmalaki ito ng sinumang kawani ng city hall at huwag bigyan ng pangit na imahe ang pamahalaang lungsod. Dito rin aniya nakukuha ang respeto ng bawat isa.
Idiniin niya na mahalaga para sa imahe ng lungsod at sa imahe ng pamunuan ni Mayor Alfredo S. Lim na mayroong mga kawani ang pamahalaang lungsod maging sa pinakamaliit na departamento na disente, malinis at maayos. (Doris Franche)
- Latest
- Trending