Inside job!
Ito ang anggulong sinisilip ngayon ng mga awtoridad kaugnay ng nangyaring nakawan sa Staff-4 (Logistics ) at Finance Section Room Headquarters ng Explosives and Ordnance (EOD) Battalion ng Area Support Command (ASCOM) ng Philippine Army sa Fort Bonifacio, Taguig City na nadiskubre nitong Martes ng umaga.
Ayon kay Army Spokesman Lt. Col. Romeo Braw ner Jr., aabot sa P376,000 ang ninakaw sa vault ng nasabing tanggapan kung saan walang nangyaring ‘force entry’.
Ang nasabing halaga ay pambayad sa subsistence allowance ng mga sundalo na kawi-withdraw lamang sa bangko.
Bunga nito, agad na ipinag-utos ni Army Chief Lt. Gen. Victor Ibrado Jr. na ‘restricted to quarters’ ang lahat ng mga opisyal na may access sa vault at may 18 AFP duty personnel na naka-duty ng mangyari ang insidente habang iniimbestigahan ang kasong ito.
“They will be restricted to quarters while investigations on the administrative and criminal aspect is on going,” ani Brawner sa panayam kung saan nagsasagawa na rin ng hiwalay na imbesti gasyon ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) team ng PNP.
Base sa imbestigasyon, dakong alas -8:30 ng umaga nitong Martes ng madiskubre ni Sgt. Ernesto Silao ang nakawan sa S-4 at Finance Section Room Headquarters ng EOD Battalion ng ASCOM.
Sa testimonya ni Silao sa mga awtoridad, nadiskubre niyang nakabukas umano ang vault at steel cabinet ng nasabing mga tanggapan pero nawawala na ang perang nakatago dito.
Ang insidente ay agad namang inireport ng nasabing sundalo sa kanyang mga superiors. Ini-lock pa umano ang seradura ng unahang pintuan pero nawawala na ang Egret padlock ng steel cabinet habang sira naman umano ang lock ng vault .
Kabilang sa mga iniimbestigahan ay ang may hawak ng duplicate keys na sina Major Ramon Torres, Chief ng Operation and Intelligence Section at Capt. Carlito Lachica, Chief ng S-4 at Finance Section. (Joy Cantos)