Pinutulan ng kuryente ng Manila Electric Company ang Quezon City Police District-Traffic Sector 4 matapos na madiskubreng matagal na pala itong gumagamit ng illegal jumper para makagamit ng libreng kuryente.
Nakaranas ng dilim at napuwersang gumamit ng kandila ang mga pulis na nakatalaga sa istasyon dakong alas-8 kamakalawa ng gabi matapos na putulin ang jumper sa katapat na poste ng mga lineman ng Meralco.
Naibalik lamang ang kuryente sa naturang istasyon pagsapit ng umaga kahapon matapos na makipagnegosasyon ang pamunuan ng QCPD sa Meralco.
Sinabi ng mga kinatawan ng Meralco na nasabihan na nila ang QCPD sa naturang problema at ang planong pagputol sa kanilang kuryente kung saan pumayag naman umano ang mga opisyales ng pulis.
Sa pahayag naman ng hepe ng trapiko na si P/Chief Insp. Romeo Bernardino na may isang linggo pa lamang sa pu westo, inaayos na niya ang nasabing problema sa Meralco. Sinabi nito na dapat inasikaso ng mga nagdaang traffic commander ang kuryente sa tanggapan ng traffic sector 4 para sana hindi na humantong sa kahihiyan ang pulisya.