Opisyal ng barangay, niratrat ng 2 'parak'

Patay ang isang opisyal ng barangay sa Quezon City makaraang tadtarin ng bala ng mga hindi naki­lalang suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis ha­bang patungo sa barangay hall kahapon ng tanghali.

Agad na nasawi sanhi ng maraming tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Eduardo Pumar, executive officer ng Brgy. Batasan Hills, ng na­tu­­rang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11: 45 ng tanghali sa kanto ng Session Road at Muñoz Street Talanay sa naturang barangay.

Nabatid na lulan ang biktima ng kanyang motor­siklo at patungo na sa barangay hall nang harangin ng isang itim na Toyota Revo kung saan lumabas ang dalawang lalaki na nakauniporme ng PNP. Walang sabi-sabing pinaputukan ng mga suspek ang biktima at saka sumakay ng kotse.

Maaaring duda naman umano na napaslang nila ang biktima, muling bumalik ang mga suspek at pinaputukan ulit ang nakalugmok nang biktima saka tuluyang tumakas.

Patuloy ngayon ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad upang mabatid ang motibo ng naturang krimen at makilala ang mga taong nasa likod ng pamamaslang. (Danilo Garcia)

Show comments